Nung oras na lumipad at nagpasayaw-sayaw sa ere ang mga itim na graduation cap, isa lang ang nasa isip ko, ang makapagtrabaho agad-agad. Ako ang tinatawag nilang diskarte boy, dahil sa utak at diskarte, araw-araw ako nabubusog. Isa lang ako sa milyun-milyong anak na produkto ng broken family. Binigyan ng Nany, binigyan din naman ng tatay,'yung nga lang hindi ko pa nakikita ang mapa na magtuturo kung sang lupalop man ng mundo ko siya hahanapin. Pero that's alright, parte 'yan ng buhay, hindi naman ako mamamatay o hindi naman siya mamamatay ng hindi kami nagtatagpo. More that twenty years, kahit kelan hindi ako nagrebelde. I know that my life is incomplete, pero hindi 'yun dahilan para humiling ako sa Diyos na bawiin ang buhay na binigay niya sakin. Siimula pagkabata, ako ang PINAKA. Pinaka-maingay, pinaka-madaldal, pinaka-maharot, pinaka-wirdo, pinaka-matakaw (sa pagkain), pinaka-makulit, at Pinaka-malinis (ang tanging award na natanggap ko hanggang highschool kaya disappointed ang Nanay ko dahil wala ata ako natutunan, hindi naman niya naiisip ang brighter side nun, na award 'yun para sa kaniya kasi napakagaling niyang maglaba, mula elementary hanggang highschool ako ang pinaka-maputi ang Polo, at 'yun ang palaging napapansin ng lahat.)
9 YEARS AGO
Pero isang malagim na tagpo ang nangyari...
INT. SA LOOB NG KALSRUM. TANGHALI.
Pinaliligiran na ng mangilan-ngilang estudyante ang dalawang bata sa gitna ng classroom na iyon. Magsisimula na ang dwelo ng dalawa. (Uso ang Atari noon, mahilig gayahin ngmga bata ang karakter sa paborito nilang video game, sa pagkakataong ito-STREET FIGHTER). Maririnig sa paligid ang sigawan at pustahan. Tiniklop ni Bata 1 ang mga manggas ng kaniyang maputing polo, ganun din naman si Bata 2. Itinaas na ng gusgusing bata sa gitna ng dalawang kalahok ang pulang bandila na gawa sa walis ting-ting at pulang colored paper.
BATA 1
Humanda ka na! Eto na ang supermegapowerfulmagicsmashlightningfirepowersuntoknghumanity ko!
Inilatag ni BATA 1 ang kaniyang dalawang kamay at inikot ang buong katawan na tila ipo-ipo na papalapit sa BATA 2, (sigawan sa paligid.) lumapat ang isang kamay ni BATA 1 sa ilong ni BATA 2. (Tumigil ang sigawan). Huminto ang mala-ipo-ipo moves ni BATA 1. Namutla si BATA 2, tinitigan ni BATA 1 ang istura ni BATA 2, parang wala naman nangyari. Tahimik pa din ang mga manunuod. Inilapit ni BATA 1 ang kamay niya sa ilong ni BATA 2, at dahan-dahan nitong pinisil ng pakurot. Parang wala naman nangyari. Ilang sigundo, biglang may pumatak na dugo, parang uhog. Paglingon ni BATA 1 sa paligid, wala nang mga batang manunuod, nagsilayasan na para magsumbong. Bumilis ang takbo ng puso ni BATA 1 at naglabasan ang malamig na pawis sa lahat ng pwede nitong labasan. Tumitig ng matalim si BATA 2, sabay bulalas ng iyak. Pumikit si BATA 1.
BATA 1
Patay. Lagot na naman ako kay Mommy. Bibisita na naman siya, perfect attendance na 'yun.
Ang next na eksena...
INT. PRINCIPAL'S OFFICE. HAPON.
Kasalukuyang Panahon
Isa lang 'yan sa daan-daang gusot na pinasukan ko bilang BATA 1. Isa 'yan sa milyung-milyong eksena sa pangkaraniwang buhay ng isang bata tulad ko noon. Teka, parang lumalayo ang kwento ko ah! Malayu-layo na rin ang nilakbay ng buhay kong katawan, malayu-layo na rin ang personalidad ko kesa sa dati. Kung sa bagay, marahil minomolde tayo ng nakaraan para mas maganda ang hugis ng pagkatao natin bukas.
Bumagsak ang graduation cap, pinilit kong sambutin pero lumagapak sa sahig. Dinampot ko at pinagpag ang dumi sa paligid nito. Nilingon ko ang malawak na ngiti ng mga magulang na nagiintay na matapos ang programa.
Pagkatapos ng programa diretso kami sa bahay, tama na muna ang tambay sa ibang bahay, kaniya kaniya muna pagkatapos ng graduation. Panahon muna sa pamilya, hindi mo naman ma-invite mga classmate mo dahil sigurado, may handa rin sila sa kani-kanila. Pagdating ko sa bahay, tila nagslow mo ang lahat, ang dahan dahang ngiti ng mga tao sa loob, sabay tugtog ng isang instrumental na tunog, 'yung pang-teleserye. Yakap dito, yakap doon. Sandamukal na congratulations. Sapat na ba ang lahat, alam ko na sa puntong ito, bago palang rumo-rolyo ang kamera, bago pa lang inaayos ng staffs ang spotlight, bago palang inihahanda ng mga make up artist ang kolorete para maganda ang labas mo TV ni Papa God, bago palang nagsisimula ang buhay.
Isang linggo lang ako nagpahinga. Isang linggong tumambay. Alam ko ang responsibiladad ko bilang tao, at bilang anak. Tinungo ang Maynila. Sa bus, emote pa rin, sandal ang ulo sa salamin, slow mo ang takbo ng lahat, biglang susulpot ang butil ng luha sa dalawang mata, sabay mauuna sa paghulog ang isa, buntong hininga, tutugtog ang musikang instrumental, maganda na ang eksenang ito, pakiramdam ko wala nang cut, sabay preno ni Manong driver, at biglaang paghampas ng ulo sa sandalan ng upuan sa harapan mo. Wasak ang eksena, CUT!
Pagbaba ng bus, tila kakaibang mundo ang makikita mo, 'yung sa pelikula, kailangan mong umarte para hindi ka maloko, sandamakmak pa mandin ang mga walang hiya sa paligid, pagnakita kang walang alam, yari ka na. Lapitan ang mga taxi, kasi mabilis malaman ng iba na wala kang alam. Ang bibilis kumilos ng mga tao dito, lahat may lakad, lahat may inaasikaso. Tirik na tirik ang araw, parang galit na galit. Pinipilit kong umarte para hindi magmukhang probinsyano, okay na sana ang arte, pampasira naman ang mga dala kong gamit, may longganisa pa, alam nang probinsyano, pero deadma ako diyan, ang alam ko, marami akong alam kahit ganto ako.
Nakakahiya naman, papapsok pa mandin ako sa MRT, madami nang naiinis sakin dahil nabubunggo o nadadagil ko sila. Rush hour pa mandin ito, hindi ko na maimagine ang mangyayari sa loob ng tren. Ayan na nga ba ang sinasabi ko, nagsasalubong na ang kilay ng mga tao, pero deadma ako, basta ang alam ko, hindi naman nila ako kilala. Tumigil ang paggalaw ng MRT. Freeze! Tila manikin ang mga tao sa paligid ko. Hindi sila gumagalaw ayon sa imahinasyon ko. Ako lang ang may kakayahang gumalaw. Lahat sila tulala, matitigas ang katawan at lahat nakating sa diretso pero iba't-ibang direksyon. Naisip ko lang, paano kaya pag ang handrails eh gawa sa goma, sabay takbo ng MRT sa uak ko, nagbubundulan ang mga tao, nakakatawa, nagkakasakitan sila pero hindi sila makapagreklamo kasi alam nila na normal 'yun kasi nga mala-lastiko ang handrails! Eto na nga ang sinasabi ko pag-gutom, tumigil na ang Tren, bumukas ang pinto, siksikan paglabas ang pasahero, natatawa nalang ako, kasi parang may kumpitisyon, kailangan mauna ang iba, kailangan nilang makipagsiksikan, pwede naman pumila at intayin ang pagkakataon nilang lumabas, parang pagsasarhan ng pinto at ang maiwan sisigawan ng tanga! Ewan ko nga ba.
Mapapalaban ako bukas sa isang kakaibang eksena. Matagal na naman ako naga-apply, pero may nagtatago pa ring kaba sa dibdib ko. Sa pagkakatong ito, kailangan kong magtipid. Kasi ang pagkain, gasolina yan ng utak, sa ngayon, isang supot palang ang baon kong English, dalawang sako ata ang kailangan ko. Kailangan hindi mawalan ng laman ang sikmura, nakakahiya naman pagmagsasalita ka palang, rejected ka kagad dahil amoy gutom ang hininga mo. Maghanda ng reserbang tubig para bukas para hindi ka maubusan ng laway at ikakamatay mo 'yun, sa ngayon, panandalian munang busugin ang sarili ng Fishball, kawawang mga harina at katas ng isda na may baking powder na pinaghalu-halo sabay binilog ng kung sino mang tao saka nilagay sa plastik at ngayon ay pinapalangoy sa kumukulong mantika, okay na 'to panlaman sa tiyan. Hahanap-hanapin ko rin 'to pagdating ng araw, mas mabuti ng pakasawa na sa ngayon. Huli ang isa, tuhug na tuhog, sabay nilunod sa pulang sauce saka isinubo, aw! ang init, sabay buka ng bunganga para pumasok ang kaunting hangin na papatay sa init sa loob ng aking bunganga, hay ginhawa.
No comments:
Post a Comment